A-List: To Pork? or Not to Pork? (Bawal ang Pork)

                          Nitong mga nakaraang linggo mainit ang issue tungkol sa paggamit ng mga mababatas sa kani-kanilang mga Pork Barrel or Project Development Assistance Fund (PDAF). Nagsimula ito sa isang whistleblower na nagbunyag ng anomalya ng kanyang amo na nagngangalang Janet Napoles. Ayon sa report, meron daw ghost NGOs si Napoles at dito inilalaan ang sinasabing milyun milyong pork barrel ng mga mambabatas. Si Napoles ay may kickback or porsyento sa mga ghost projects ng mga mambabatas at syempre, mas malaki si Cong. at si Sen.

         Dahil sa pagsiwalat sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno, maraming nagalit at naghihimagsik sa pagkakaroon ng mga ma,babatas ng Pork Barrel. Ano ba ang pork barrel? bakit meron ang mga mambabatas nito? Ang pork barrel ay appropriated fund sa mGA mambabatas para sa mga proyektong nagbibigay benepisyo sa mga mamamayan. Bawat isang mambabatas ay may milyun milyong pondo. Layunin ng pagkakaroon ng Pork Barrel ay maisakatuparan ng mga mambabatas na masolusyunan ang problemang kinakaharap ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kapaki pakinabang na proyekto. Itinalaga ito ng batas sa ikabubuti at ikapapakinabang ng nakararami. Ngunit, sa maling paggamit nito, maraming Pilipino ang nagpapakita ng pagkainis at pagkamuhi sa mga taong nasa likod nito,

             Nitong mga nakaraang linggo lang din sunud sunod ang mga expose ng pagiging magarbong pamumuhay ng anak ni Janet Napoles na si Jean Napoles.  Meron pang kumakalat na video ng magarbong birthday party ng anak ni Janet na si Jean sa isang mamahaling bar sa US. Ayon sa balita, may 28 houses ang pamilya sa Pilipinas at 13 luxury cars. Isang linggo na din ang nakakalipas matapos maglabas ng Warrant of Arrest ang DOJ laban kay Janet Napoles. Ito ay matapos ikulong ang whistleblower nyang si Ben Luy. Matapos nito, hindi na nakita si Napoles at napapabalitang nakaalis daw ng bansa sakay ng isang yate.

                 Dahil dito, nagsagawa ang Commission on Audit o COA ng isang imbestigasyon ukol sa mga mambabatas sa nasabing pagkakasangkot sa maanomalyang paggamit ng Pork Barrel. Karima rimarim ang naging resulta ng imbestigasyon. Lumalalabas sa pagsusuri na simula taong 2007 hanggang  2009, nakatanggap si Janet Napoles ng P 2.157 billion pesos mula sa 10 Ghost NGOs na pinamumunuan ni Janet sa panahon ng audit ng COA. Lumalabas din sa pagsisisyasat ng COA na karamihan sa mga proyektong ito ay hindi dumaan sa tamang proseso.

          Dahil dito, nagsumite ng resolusyon ang ilang Senador tulad nila Miriam Defensor Santiago at Alan Peter Cayetano na tuluyan ng ibasura ang pagkakaroon ng Pork Barrel. Si PNoy naman ay hindi sang ayon sa pagbasura sa Pork Barrel at ipinapaubaya na lamang ang imbestigasyon sa Senado.

OPINYON:

    Ilang taon na din tayong naghihintay ng pinunong masasabi nating malinis at tapat sa bayan, hindi ko na din mabilang ang taong paghihintay natin na makamtan ang hustisya sa mga tiwaling tao na gumamit ng pondo ng bayan sa maling paraan at sa pansariling kapakanan tulad na lamang  sa kaso ni Marcos, ni GMA. Ang namumutawing katanungan sa ngayon ay may nakulong na ba ni isa man lang sa mga kasama sa kaso nila? Ang isyu ng Pork Barrel ay maituturing hindi na bago sa mata ng publiko. Panahon pa lang ni Marcos ay talamak na ang pangungurakot at pagkamkam sa kaban ng bayan. Ngunit saan tayo dadalhin ng tinatawag na daang matuwid? Hindi ko maatim ang sabihin ko sa talumpati ko na “Ang sarap maging Pilipino sa panahong ito” na sa pagkakaalam ko, may mga hindi pa ding umuusad na proyekto ang kasalukuyang administrasyon. Saan tayo dadalhin ng mga mapanlinlang na mga pangako noong panahon ng kampanya ay samut sari ang ibinubusalsal sa mga palabas at advertisement. Karapat dapat ba ang ating binoto? O nagsisisi tayo dahil sa binoto natin sila? (o maaari ding hindi, dahil nabayaran ka?)

   Napapanahong talakayin na din ang pagbasura sa Pork Barrel. Kung tutuusin, isa lamang ito sa nakakapagpalala ng kurapsyon sa ating lipunan. Pilit  kong inuunawa bakit may pork barrel ang isang mambabatas kung meron namang National Budget ang mga ahensya ng gobyerno na parehas lang din ng layunin sa mga mamamayan? Hindi maiwasang tumakbo sa isipan ko na parang “pocket money” ng mga legislators ang pork barrel. Na upang mabili ng isang solon ang nais nyang bagay sa isang lugar, kinakailangan nya ng pera o sa madaling salita, pondo upang mabili o maisikatuparan nya ang kanyang ninanais. Ngunit sa maling pamamaraan o sa pansariling kapakanan ang ninanais. Sampal sa mukha na maituturing sa bawat Pilipino ang nangyayaring kurapsyon sa bansa. Dahil tayo mismo ay nagpapauto sa mga tiwaling tao sa gobyerno. Tulad na lamang nitong nakaraang eleksyon. Para sa akin, hindi katanggap tanggap ang mga napili ng taong bayan para magsilbi. Umiiral pa rin ang political dynasty.

                      Napagtanto ko na rin, na sa bandang huli, nakakaawa, nakakapanggalit ang kalagayan ng Pilipinas kung ikukumpara sa mga karatig bansa. Maduming pulitika, kurapsyon, walang katapusang isyu ng kahirapan at kagutuman, mga proyektong ningas kugon at di na natapos, at higit sa lahat, ang napabayaang yaman ng bansa, ang pagiging isang bansa. Ipinaglaban at ipinagpatayan ng mga bayani ang lupaing muntik ng malupig ng mga dayuhan. Ngayon, tayo na mismo ang rebelde sa sariling bayan dahil sa mga impokritong namumuno. Ngayong dumanas na naman ng kalamidad ang bansa, hindi ko lubos maisip, kung paano natitiis ng mga sakim sa yaman na mga pulitiko ang kaawa awang kalagayan ng mga Pilipino. Pulos sagana sa mga “pre-emptive evacuation plan” pero wala kang nakikitang long term plan at kung may plano man ay hindi masimulan. Saan tayo dadalhin ng daang matuwid? saan tayo dadalhin ng kulturang may baluktot na paninindigan? Kung may nangangailangan sa isang bayan, at alam mong masalimuot ang pagdadaanan ng pondong dapat ay sa atin, gagamit ka pa ba ng Pork? To Pork? or Not to Pork? Sabi nga sa isang commercial. . . . “Bawal ang Pork.”

“If you have sense enough to realize why flies gather around a restaurant, you should be able to appreciate why men run for office.”

Image

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s