Mahal Nya ba ako? O Ako lang ang hindi nagmamahal sa Kanya?

 

         ” Mahal Nya ba ako?” ….ito ang katanungang nagpapaimbabaw sa akin. Sa mga sandaling ito, hindi ko maikubli ang kalungkutang aking nararanasan ngayon. Mag iisang buwan na o higit pa ang ganitong kalagayan. Maraming mga bagay na sa aki’y hindi ko alam kung bakit ko pang pilit iniisip. Aaminin ko, ako ay dumaranas ng “emotional stress”. At nag uugat ito sa napakadaming aspeto ng aking buhay. Sa trabaho, pamilya, kaibigan, at higit sa lahat, ang pananampalataya ko sa Kanya. 

                Sa pamilya, hindi ko maramdaman ang unawang aking inaasam. Ang aking pakiramdam sa aming tahanan, isang boarder, na nakikitira at nagbabayad ng renta sa bahay at anumang hating gastusin sa bahay. Noong huling araw ko sa trabaho, umaga ng Sabado, aking nakausap ang Nanay ko at tinanong nya ako: ” Pa’no yan, wala ka munang trabaho n’yan?”… hindi na ako umimik. Dahil alam kong nagsisimula na ang aking pakiramdam na ako ay “walang silbi” matapos ng aking desisyong paglisan sa trabaho.

    Bakit nga ba ako lumisan sa aking trabaho? May mga bagay na hindi natin agad agad maibabalik sa dati. Ako ay nagkasala ngunit hindi ibig sabihin nito ay ang paglisan ang aking solusyon bilang pagtakas sa anumang kaparusahan. Sa aking trabaho noon, naglipana ang mga taong hindi natin masasabing mapagkakatiwalaan. Mangilan ngilan sa kanila ay hindi mo dapat pagkatiwalaan. Inaamin ko, na ako’y nagkasala at tinanggap ko ang naging hatol nila sa akin. Hindi ko lang lubos maisip ang tindi ng galit nila sa akin. Marahil sa bigat ng ginawa kong kasalanan at hindi ko naman sila masisisi dito. Ngunit, ang kasalanan ko ay sa kumpanya, bakit ganoon na lamang ang tindi ng galit nila sa akin? Na humantong pa sa personalan? Sa mga panahong iyo’y labis ang aking pangungulila. Wala akong makausap dahil hindi ko na malaman kung sino ang masasabi kong “totoong kaharap ko”. At umalis ako ng trabaho, baon ang masasaya at malulungkot na karanasan.

      Ito na marahil ang dahilan ng aking mga padalos dalos na desisyon at masasabi nating maling aksyon na aking nagawa. Ang problema ay nasa akin at wala sa kanila. Naalala ko, ang sinabi sa akin ng aking Nanay, na ang mga kaibigan ay naandyan lamang, ang isipin mo ngayon ay ang kalagayan ng iyong sarili. May tamang panahon sa mga bagay na nagbibigay galak at tuwa sa atin, ngunit hindi lahat dapat ibuhos ang oras at panahon sa kanila. Minsan, dahil sa pakikisama mo ng lubos, may mga bagay na tayo na nakakaligtaan. Mga bagay na araw araw na nating ginagawa noon at tuluyan ng pinabayaan. Ang dulot nito ay kasuklam suklam, karima rimarim na resulta. At ito na nga ang aking kinabagsakan ngayon……..

 

      Hindi ko na kilala ang sarili ko ngayon, matapos ang sunud sunod na pangyayari sa aking buhay. Sa mga nagtatanong kung ano nga ba ang aking ikinalulumbay, marahil ito na nga ang sagot sa inyong mga katanungan.

       Mahal Nya ba ako? alam ko nababasa Nya ang nasa isip ko. Mga agam agam sa sarili ko. Araw-araw, paulit ulit kong itinatanong ito. Sa mga nangyari sa akin. Sa mga mapapait at masasaklap na kinahantungan ng aking desisyon.  At magpahanggang ngayon ay wala pa rin Syang sagot.

       O baka ako mismo ang makakasagot sa katanungan kong ito?

          Maraming mga bagay na aking ipinagpasalamat sa Kanya sa pagpasok ng taong ito. Na-promote ako at nalipat ng ibang tindahan, nagkaroon ako ng isang maliit na negosyo at pinagkalooban Nya ako ng maraming kaibigan. Kung susumahin, ito ay ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Mga biyayang nararapat na gamitin at pag ibayuhin sa tamang paraan. Ngunit ito ay aking pinabayaan at hindi pinagyabungan. Malamang ang isasagot sa akin ng Diyos sa aking tanong ay ito:

 

” Anak, hindi ako nagkulang ng pagbibigay sa’yo; lahat ay sinunod Ko para sa’yo. 

Subalit, ito ay binaliwala mo; nilustay at pinabayaan, at ginamit pa sa 

maling pamamaraan. Ngunit, nauunawaan kita Anak.

hindi kita pababayaan, naandito lang Ako, may tamang panahon ang lahat

para sa’yo. May plano Ako para sa’yo. Basta’t magtiwala ka lang at maghintay,”

 

      At pumatak ang luha ko habang sinusulat ko ang mga katagang iyon. Marahil may mga tanong tayo na alam naman natin mismo ang kasagutan. Maaaring ikinukubli lang natin ito sa ating mga sarili dahil ayaw lang nating masaktan. Ang pagdududa sa Kanya ay hindi natin maiwasan. Na humahantong pa sa pagkwestyon ng pagmamahal sa Kanya. Ngunit ating suriin ang sarili natin, baka tayo na mismo ang hindi nagmamahal sa Kanya.  

 

“Mahal Nya tayo, alam Nya kung kailan Nya ipagkakaloob ito sa atin.”

 

-Amen.

 

 

Image

 

Maaari nyo akong sundan sa twitter: @MaurerArvin

Idagdag sa listahan nyo ng kaibigan sa facebook: arvintomlinson

Subaybayan din sa instagram: @arvindgvalencia

 

 

4 thoughts on “Mahal Nya ba ako? O Ako lang ang hindi nagmamahal sa Kanya?

  1. Hi Arvin! Glad to see you writing in your blog. Ang pag-aagam-agam ay natural sa bawat isa sa atin. Lalo na sapagkat hindi nakikita ang Diyos. Pero ang bawat isa sa atin ay may kapasidad na umibig at magmahal. At kaakibat ng pagmamahal ay ang pagtitiwala kahit sa hindi natin nakikita. Mapapalad ang mga naniniwala sa Kanya kahit hindi Siya nakikita. Mabubuti ang Kanyang mga gawa at hinding-hindi ka pababayaan kailanman. Magtiwala ka lang at maghintay sa biyayang kaloob Niya. In His own time, every wish and every prayer you ask will be granted. Mahal tayong lahat ng Diyos. (Ayos yung blog mo! =)

    1. Hi Keith! Maraming salamat at napunta ka dito. Hehehe! Ito na yung mga kasagutan sa mga katanungan ninyo. Pinanghahawakan ko yung mga katagang magtiwala at maghintay. Dahil alam ko may plano sa akin ang Diyos at hinding hindi nya ako pababayaan. Salamat Kaibigang Keith.🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s