A-List: Hayaan ang Pusong Magsalita, Umiyak

Naging matagumpay ang taunang Grand Eucharistic Adoration sa ikatlong taon nito na may temang “Daop: Isang Katawan, Isa Kay Kristo”. Ginanap ang pagtitipon sa football field ng Don Bosco Technical College sa Mandaluyong na dinaluhan ng libo- libong mananampalataya mula sa karatig lugar sa Maynila. Ito ay pinasinayaan ng mga miyembro ng Days With The Lord Movement (DWTL).
   Naging makabuluhan ang araw ng Sabado sa mga taong nagsipagdalo lalo na sa mga taong patuloy na hinahangad makasalamuha si Hesus sa ibang paraan. Ako kasi ‘yung tipo ng tao na madaming katanungan, patuloy na naghahanap sa aking mga katanungan, patuloy na nagmamahal at naniniwala sa Diyos.
   Habang nasa loob na kami ng football field, habang nililibot ang mga ‘Pre-Adoration Stations’, natanong ko sa sarili ko, bakit ako nandito? Ano mapapala ko dito? Kung tutuusin, may Adoration Chapel naman malapit sa aming tahanan. Bakit kailangan ko pang gawin ito?
  Nagsimula ang programa sa pag prusisyon ng Banal na Sakramento patungo sa loob ng football field. Lahat ay nakaluhod, lahat ay tahimik. Madilim na ang paligid, tanging mga kandilang nagbibigay liwanag sa daan ang nagsisilbing ilaw. Habang papalapit na ang Banal na Sakramento, nasabi ko sa sarili ko, Naandito na si Kristo. Nagugunita ko sa aking isipan, na iniluluklok Sya sa gitna at nauupo, handang makinig sa amin. Ang mga ganitong pag-iisip ay biglang sumibol sa aking sarili. Hindi ko mawari kung bakit ko nasasabi ang mga iyon ngunit isa lang ang alam ko, nang mga oras na iyon, alam ko naroon lang si Kristo. Nadadaop puso ko ang Diyos.
   Nabalot ang gabi na puno ng pagmamahal habang sumasabay sa pagkanta at pagdarasal. Para bang ang kalangitan sa gabi ay napakalapit lang, abot tanaw ang mga bituin sa kalangitan. Iba ang araw na iyon.
  Isa sa mga hindi ko malilimutan ang sinabi ni Fr. Chito Maranan: “Sa Diyos, tayo ay dumapit, lumapit at kumapit sa Kanya.” Ang pag daop ay pagdamay  at ang pagdamay ay pagdama. Ito na nga ang kasagutan sa mga katanungan ko, naroon ako upang may ka- damay at dumamay.
  At humantong na kami sa pinaka puno ng gawain, ang paglatag ng mantel. Noong mga oras na iyon, sinabi ko sa sarili ko, kaya ko ‘to, magdarasal lang ako habang hawak ko ang tela, hindi ako iiyak, hindi ako iiyak. At ang lahat ay lumapit, kumapit sa tela na nag- uugnay sa Banal na Sakramento. Lahat ay tahimik, lahat ay nagdarasal.
   Sa kalagitnaan ng aking pagdarasal, bigla kong nasabi sa sarili ko, hayaan ko na lang magsalita ang aking puso, hayaan kong sabihin nya ang nararamdaman nya. At taimtim, nakikiramdam, habang hawak ang tela na nag- uugnay sa Banal na Sakramento, ang puso ko ay tahimik, binubulong ang nararamdaman nito. Ngunit, iba pala kapag ang puso mo na ang nagsalita. Sa puntong iyon, biglang pumatak ang luha ko sa aking kamay na nakahawak sa tela. Nagtangka akong pigilan ang pagluha ngunit parang nanaig ang hinagpis ng puso ko. Umiiyak ako habang patuloy ang puso ko sa panaghoy. Nang mga oras na iyon, ibang iba na ang nararamdaman ko. Habang ako ay nakapikit, nagugunita ko na lamang si Hesus. Habang umiiyak ako, naiisip ko na si Hesus ang hinahawakan ko, Ang telang iyon ay damit ni Hesus. Para akong bata, habang nagsusumamo sa isang Ama. Patuloy sa pag-agos ng luha, nasabi ko sa sarili ko, sa puso ko :
“Ang dami mo na palang hinagpis sa loob mo, ang dami mo ng paghihirap, at ang mga ito hindi ko man lang napansin. Ang dami ko na pa lang nasaktan, ang dami ko na pa lang pagkukulang sa iyo, hayaan mo’t hilumin ka Nya. Hayaan mong marinig ka Nya. Narito Sya, sabihin mo lahat ng gusto mong sabihin, Pakawalan mo ang naghuhumagpis mong saloobin sa Kanya. Hayaan mong malapitan ka Nya, umiyak ka lang, umiyak ka lang.”
    At ako ay bumitaw na sa paghawak sa tela. Umiiyak pa rin ako, humihikbi at pilit na pinapatahan at pinapakalma ang sarili.

image

At sumandaling nanahimik ako at nilulubos ang mga sandaling kapiling ko si Kristo. Ganoon pala ang pakiramdam kapag nakaka daop palad mo si Kristo. Masalimuot, hinagpis ang maibubulong mo, ngunit ito ay kanyang pinapagaan, dinadala at pinapalitan ng kasiglahan at kagaanan.
  Natapos ang gawain sa pag -ilaw ng mga kandila habang papalabas ang Banal na Sakramento pabalilk sa Kapilya. Sabi ko sa sarili ko, salamat, sa pagsaglit Mo sa akin. Nakinig Ka at dumamay Ka, hindi Kita makakalimutan.

image

At sa tuwing maaalala ko itong pangyayari, hindi ko mapigilang maluha. Iba talaga kapag ang puso mo na ang nagsalita, ang umiyak.

Posted from WordPress for Android

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s