Paglublob sa Pag-Ibig ng Diyos

  Bata pa lang ako, natatakot na akong lumublob sa dagat. Iniisip ko kasi na baka malalim ang tubig at baka ako malunod. Kahit sumakay sa bangka para makatawid sa kabilang pampang ay takot din ako. Baka kasi lumubog ang bangkang sinasakyan ko at malunod ako. Takot din akong maglakad sa tulay ng isang ilog, baka kasi mahulog din ako. Naalala ko tuloy noong nasa Bohol kami at niyuyugyog ng mga kasama ko ang tulay na dinadaanan namin. Naalala ko din noong nasa Burnham Lake kami at sakay kami ng isang bangka, tulad din sa tulay, niyuyugyog ang bangka at nagsisigaw ako. Noong nag swimming kami sa Bulacan ay natakot din ako dahil may nagbibirong kasama ko ang hinihila paa ako mula sa ilalim.
   Ito ‘yung mga karanasan kong hindi ko makakalimutan. Ngunit sa kabilang banda, naisip ko, bakit kaya hindi ko nagawang lumublob sa tubig ng dagat? Tumulay ng hindi kinakabahan? Magbangka ng hindi nag-aalinlangan? Nandoon kasi ang takot. Takot na baka ako malunod, takot na baka hindi na ako makaahon at takot na baka ako ay mamatay.
   Naaalala nyo ba noong tayo ay bininyagan? Malamang may mga kuha tayo ng litrato noong binyag na tayo ay nakasimangot, umiiyak… kasi nababasa tayo ng tubig o holy water. Pero, wala pa tayong alam sa kung anuman ang ginagawa sa atin noong mga oras na iyon. Ngayong may isip na tayo, bakit nandoon pa din ang takot natin? Parang mas napapasimangot tayo kapag ayaw nating gawin ang isang bagay. Mas lalo pa tayong napapaiyak dahil ayaw nating gawin ang isang bagay.
  Sa panahon natin kasi ngayon, mas binibigyan natin ng importansya ang mga bagay na nagbibigay ng takot. Tulad na lamang ng cellphone; takot na baka hindi na tawagan ng kanyang jowa. Facebook o instagram; takot na hindi na makita ng mga tao ang selfie niya. Hindi makatiis na  hindi makakain  sa labas o sa mamahaling resto o eat all-you-can; takot na magutom. Mga bagong damit o signature clothing; baka mapag-iwanan ng fashion ika nga.
   Bakit si Hesus? Kahit alam natin at alam din Nya na Sya ay Anak ng Diyos, hindi nagmataas at nagpabinyag kay San Juan Bautista? Kung ako si San Juan Bautista, baka ako ang matakot. Sasabihin ko pa, “ayoko po Kayong binyagan, natatakot po ako sa Inyo, baka magkamali ako at pagalitan Nyo po ako.” Ngunit nagpatuloy si San Juan Bautista dahil sa mga sinabi ni Hesus sa kanya. Sya ay nagpabinyag, lumublob sa tubig at umahon.
   Ang hindi pagtulad sa ginawa ni Hesus ay isang senyales na tayo ay takot. Ang hindi paggawa ng isang bagay ay isang takot. Takot mapag-iwanan, takot marumihan, takot masapawan, takot na baka bumaba ang tingin ng mga tao sa kanyang sarili. Ngunit, bakit si Hesus? Lumublob sa tubig at umahon? Ano ang mas nangingibabaw sa’yo?
    Ginawa ni Hesus ang paglublob sa tubig bilang tanda ng Kanyang pakikibahagi sa atin. Nagpabinyag Sya kay San Juan Bautista bilang takda ng paglilinis ng ating mga kasalanan. Ang paglublob Nya ay isang paglilinis ng tubig na nilulubluban din ng bawat binibinyagan. Ang paglublob sa tubig ay nangangahulugan ng pagtalikod sa ating mga kasalanan. Ito nga marahil ‘yung dulot ng ating takot. Nililinis tayo sa pagbibinyag. At ang pag-ahon naman sa tubig ay sumisimbolo ng bago nating pagkatao. Ito ay isang pagtanggap ng pagsunod sa utos ni Hesus at ng Diyos.
   Sa mga pagkakataong tayo ay natatakot, dahil sa mga bagay na mas binibigyan natin ng pagpapahalaga ang ating sarili kaysa sa ating kapwa, isipin na lang natin ang ginawa ni Hesus; nagpabinyag Sya kay Juan Bautista, lumublob, umahon sa tubig. Isang patunay na dapat, tayo din ay matutong magpakumbaba sa sarili. Hindi dahil sa takot tayong malunod, di na maka-ahon o mamatay, kundi dahil mahal natin ang Diyos.
   Matutong magpakumbaba sa Mata ng Diyos at magpakalublob tayo sa Pag-Ibig Nya.

Amen.

image

Posted from WordPress for Android

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s