Krus ng Buhay

Magugulat ka na lang, may umiiyak na, ‘yung iba, nagpupunas na ng luha, may iba naman, kahit anong pagkukubli, makikita mo, nakatakip ang panyo, umiiyak, nagpupunas ng luha. Siguro, sa ganoong paraan, nakikita at naririnig ng Diyos ang lahat ng ating saloobin. Gusto mong tumangis, lumapit ka, gusto mo ng kasagutan, humaplos ka. Ganoon siguro ang pamamaraan natin upang makadaupang palad natin ang Panginoon.

   Ako siguro ‘yung tipo ng tao na hangga’t maikukubli ko ang kalungkutan ko, gagawin ko. Hindi sa ayaw kong umiyak, ayoko lang makahawa ng aking kalungkutan. Ayoko din kasing may masabi ang tao. Na ako ay napaka negatibo dahil tingin nila problemado ako sa buhay. Sino ba naman ang walang problema sa buhay? Lahat naman tayo may pinagdadaanan. Sabi nga nila, ang problema ko ay iba sa problema ng iba. Ibig sabihin lang ‘non ay hindi pare- parehas ang problema ng bawat isa. May iba malaki ang problema, may iba naman mababaw lang at ‘yung iba naman ay gumagawa ng problema.
    Gaano man kalaki ang problema natin, lagi natin itong dinadalangin sa Panginoon. Madalas may katanungang bakit po ako? kung kailan maayos na ang lahat, planado na ang lahat, nasa kasiyahan ka na, biglang may mangyayaring hindi maganda. At muli ay tatanungin mo Sya ng bakit po ako?
Hindi kasi ako naniniwala sa haplos at pahalik lang sa mga imahe (kahit ginagawa ko ito kapag nabibisita ko ang mga matatanda at sikat na mga imahe ng santo) dahil naniniwala ako na sa panalangin maipapadala mo na ang mensahe. Kaya hindi ako pumipila sa maraming tao upang makahalik at mahaplusan man ang imahe. Ngunit, nagkamali pala ako. Isang pangyayari sa buhay ko na magpahanggang ngayon ay hinihintay ko ang mga kasagutan Nya.
   Umalis ako sa aking trabaho bago mag-Pasko. Umalis ako ng walang kapalitang mapapasukan na bago. Sumapit ang bagong taon at magpahanggang sa mga araw na ito ay wala akong trabaho. Nararamdaman ko na unti-unti ang mga pangamba ko. Madaming bayarin at gastusin sa pagsapit ng katapusan ng buwan, paubos na din ang naipon ko, saan ako kukuha ng pera pambayad? Dagdag ko pa ang komplikadong pamumuhay namin bilang isang pamilya. Wala ding trabaho parehas ang mga magulang ko, may problemang asawa naman ang sumunod sa aking kapatid, at ang bunso kong kapatid ay hindi ko maaasahan sa ibang gastusin dahil maliit lang ang kinikita. Dito pumapasok sa isipan ko na saan ako kakapit? lalapit?
  Pala-simba akong tao. Palagi pa akong sumasama sa mga pagdiriwang ng simbahan. Kalakip lagi ng aking panalangin na sana ay makakuha na ako ng trabaho at sana ay makapasa ako sa isang pagsusulit para makapagtrabaho sa gobyerno. Ngunit, isang malungkot na balita ang nakarating sa akin. Nitong nakaraang linggo lang ay lumabas na ang resulta ng nakaraang pagsusulit ko. Sa hindi ko maipaliwanag na pangyayari, matapos malaman ang hindi magandang balita, ay biglang bagsak ng emosyon ko. Nahalata ito ng aking kaibigan habang kami’y nag-uusap. Umuwi ako ng malungkot. Umiyak ako, nalungkot ako. Sabi ko bakit hindi Nyo po tinupad? Sa mga oras na iyon, isa lang tumatakbo sa isipan ko, napakawalang kwenta kong tao sa mga oras na ‘yon. Iyon ang naging pakiramdam ko.
   Ngunit sa kabila ng mga ito, pinipilit ko pa ring magpakatatag. Patuloy pa din akong umaaasa sa mga kasagutan ng Diyos. At ang pinaka hinihiling ko ay ang magkaroon ng trabaho. Minsan isang hapon, dahil sa sobrang bagsak na bagsak ang sarili ko, kinausap ko ang Sto. Niño na nasa altar sa harap ko, tinanong ko Sya:” ano ba plano mo sa akin?” at biglang tumunog ang cellphone ko at nakalagay na: “Pagpalain sana ang makabasa nito… Ipasa sa 10 tao ang mensaheng ito at mangyayari ang pagpapala ngayong araw.” bigla akong natawa, sabi ko Lord, grabe Ka naman, nagbibiro Ka pa.” hindi man ‘yon ang kasagutang hinahanap ko pero alam ko pinapasaya ako ng Diyos at pinapaalala sa aking, ‘wag akong mabahala, Sya ang bahala. At ‘nong hapong ding iyon ay nakatanggap na naman ako ng text para sa final interview ko. Natuwa ako ng araw na iyon. Doon ko naisip na kung kailang walang-wala ka na, ‘yung tipong susuko ka na, bigla na lang dadating hinihintay mo.
  Na-reschedule na noon sana ay final interview ko. Dumaan na naman ang isang linggo at wala pang text hanggang sa tinanong ko na sila kung may schedule na. At sa kasamaang palad ay wala pa din, babalitaan na lang nila ako kung kailan ang susunod. Halos nawawalan na ako ng pag-asa, kasabay nito ang paubos kong naitatabi na pera. Hindi ko ugaling i-withdraw ang lahat ng aking pera. Hangga’t makakatipid, magtipid. Pero, itong araw lang, (biyernes) wala na akong pera. At iisang libo na lang ang pera ko sa atm card ko. Sabi ko, Lord, kapag naubos na itong pera ko, wala na akong panggastos, hindi ko na alam ang mangyayari sa akin. At nag withdraw nga ako sa bangko. Pagsilip ko sa pera ko sa atm ay may sobra pa pala at malaki pa, kaya hindi ko nagalaw ang kahuli-hulihan kong pera at wi-nithdraw lang ang kailangang kong halaga. Dalawang beses na itong nangyari sa’ kin ngayong buwan. Ewan ko ba, baka may pahiwatig ang Diyos sa akin. Alam ko naman, ang ibig sabihin ng Diyos. Na ‘wag akong mag-alala at Syang bahala.
   Itong araw na ding ito, dumating sa aming parokya ang Itim na Nazareno ng Quiapo. Tulad ng nasabi ko sa unang talata ng panulat ko, hindi ako basta-basta naniniwala sa simpleng paghaplos o pagpahid sa mga imahe. Ngunit ngayong gabi lang, nagkakaroon ng kalinangan ang lahat sa akin. Kung bakit nagtitiis, nagtatyaga ang mga tao sa mahabang pila makahaplos, mahalikan, o mahawakan man lang ang Nazareno.
    Ginanap ang taize prayer sa aming parokya kung saan tampok mismo ang Nazareno. Punung-puno ng awit-dasal ang gabi. Sa huling yugto ng gawain ay dito ko masasabing mali ang pananaw ko sa mga taong humahaplos, humahalik at humahawak sa imahe ng Nazareno. Nangyari na ito sa akin noong nakaraang taon din. Naranasan ko na din ito, nag paghawak sa puting tela na nakadugtonh sa paanan ng imahe ng Nazareno. Madaming lumapit at humawak sa tela. Nagdarasal at taimtim na binubulong mula sa kanilang mga puso ang kanilang mga kahilingan. Ngunit, may nakita din akong mga nagpupunas ng luha, mga taong umiiyak, mga taong hindi maikubli ang kalungkutang nadarama. Sabi ko sa sarili ko, may mga problema din sila gaya ko. Maaaring sa trabaho, sa pamilya, o sa anumang bagay na kinahaharap nila. Biglang pumasok sa isipan ko ang dahilan kung bakit sila humahaplos, humahalik at humahawak sa Nazareno:

Sa pamamagitan ng mga ito, nailalapit nila mga hapis at hinaing nila sa Diyos. Na sa bawat pagpatak ng luha, nararamdaman ng Diyos ‘yun. Na sa bawat malulungkot na mukha ng mga tao, nakikita ng Diyos ‘yun. Kapag hinahawakan ng mga tao ang imahe, nararamdaman ng Diyos ‘yun, may kailangan ka, kaya nandito ang Nazareno, nandito sila, ang mga sagradong imahe; sapagkat dito, nakikita ng mga tao, nararamdaman ng mga tao na kapag wala ka ng makapitan, kapag wala ka ng masandalan, na kapag wala ka ng mahingan ng tulong at pakiramdam mo ay tinatanggihan ka na ng mga taong malalapit sa buhay mo; narito Sya, lumapit ka, umiyak ka, humawak ka, kapitan mo Sya. Sapagkat hindi ka Nya iiwan.

Tulad ng krus na pasan-pasan ni Hesus, tayo din, may kanya-kanyang krus na pasan-pasan sa buhay. Ang pagdating ng Nazareno ay isang paalala sa akin, na kung bigat na bigat na ako sa krus ng aking buhay, kapit lang, lapit lang, at ‘wag mag-aatubiling sabihin ang nararamdaman. Sapagkat makikita mo na lang, ang pasan- pasan mong krus na napakabigat, ay gagaan, dahil sa dulo ng krus na ito, makikita mo, na nandoon si Hesus, tutulungan Nya tayo.

Ngayon, patuloy pa din akong magtitiwala at maghihintay sa mga kasagutan ni Hesus dahil alam ko, Sya ang bahala sa akin.

Amen

image

Posted from WordPress for Android

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s