Dominus Est

    Sa takot ko na ako’y mapagalitan (dahil mapapahiya ako, o mapagsasabihan) hindi ako tumayo. Ngunit ang dalawa kong klasmeyt, tumayo at napagalitan. Alam naman naming lahat na kami ay nasa labas ng classroom noon at nagdadaldalan hanggang sa dumating ang teacher namin at nagkukumahog kaming pumasok sa loob. Tatlo kaming nasa labas noon. Ngunit ayokong umamin na isa ako doon sa mga estudyanteng nasa labas. Kaya hindi ako tumayo noong tinanong kung sino ang mga nasa labas ng mga oras na ‘yon.
    Maikukumpara ko ang buhay ko ngayon sa mga pangyayaring ‘yon. Marahil, iba rin sa inyo ay katulad ko: may takot, may pangamba, minsan o madalas ay pinanghihinaan ng loob. Takot umamin dahil ayaw mapahiya o maparusahan. Nangangamba na baka ikasira ko iyon at duwag sa pag-amin dahil nga sa takot. Kung si Hesus kaya ang teacher ko noon at tinanong Nya kung sino ang mga nasa labas, aamin kaya ako? Kahit alam ko sa sarili ko na alam naman nya kung sinu-sino iyon?
    Madalas sa ating buhay may mga pagtutumanggi tayo sa mga pangyayaring ayaw nating masangkot. Ayaw natin kasing magulo ang tahimik nating pamumuhay. Ayaw din nating masabihan ng kung anu-anong hindi kaaya-ayang puna. O maging kapisan sa mga tao o bagay na magdudulot ng matinding pangyayari na hindi natin magugustuhan.
   Sa kabila ng mga ito, hindi natin maikukubli ang hiwagang dulot ng Panginoon sa ating buhay. Sa buhay ko, masasabi kong may mga pagkakataong pagtutumanggi akong nagagawa. Katulad na lamang sa istorya na inilahad ko dito noong estudyante pa lang ako, ang hindi pagtanggap sa katotohanan. Para akong si Pedro, madalas may pagtutumanggi sa mga pagkakataon na ayaw kong makapisan sa anumang gawain o pangyayari na magdudulot sa akin ng kahihiyan o kamuhian. Ngunit sadyang napakabuti ng Panginoon. Na sa kabila ng mga karupukan sa ating buhay, nariyan Sya at hindi Nya tayo pinababayaan kung patuloy ka lang magtitiwala at susunod sa Kanya.
   Isang tagpo sa aking buhay ang hinding hindi ko malilimutan. Umalis ako ng aking trabaho noon at wala pa akong nakitang kapalitan nito. Sa mga nagdaang panahong iyon, halos walang kasiguraduhan ang lahat: walang pera, wala pang agarang makukuhang trabaho at iba pa na halos araw-araw ay iisipin mo. Ngunit sa pagtitiwala ko kay Hesus, masasabi kong “Sya Nga ang Diyos”.
   Nang pumalaot sina Pedro sa ilog upang mangisda, buong gabi ay wala silang nakuha- ganoon din ang sitwasyon ko noon, tumagal ng halos magtatatlong buwan akong walang trabaho, nawawalan na ako ng pag-asa noon.
  Ngunit sa pampang nakita nila ang isang lalaki at sinabing ihagis ang lambat nila sa kanang bahagi ng bangka at doo’y napuno ang kanilang lambat ng mga isda- Ngunit, nagtiwala pa din ako sa Kanya. Sa araw-araw na dumaraan, hindi ko kailanman naramdaman na nawalan ako ng pera upang pangtustos sa mga gastusin sa bahay at sa sarili. At matapos ang paghihintay, may tumanggap na sa aking kumpanya at nagkatrabaho.
   Nakita nila na may sigang na apoy sa pampang at doo’y nakita nila: Sya nga si Hesus! – Sa kabila ng mga pangyayari sa aking buhay, sa matagal na paghihintay at matyagang pagdarasal, pinagkalooban ako ni Hesus ng trabaho at sa mga panahon ng aking paghihintay, ay ‘di ko naramdaman na wala Sya.
  Tinanong nya ng makatatlong ulit si Pedro kung mahal sya nito at binigyan si Pedro ng mga pangyayaring maaaring maganap tulad ng mga pangyayaring naganap kay Hesus noon- Sa paghingi ko sa Kanya, at sa pagkakaloob Nya sa akin nito, alam ko na hindi ito ganoong kadali. Ngayong may trabaho na ako, hindi ko pa din lubos maisip bakit ko ginagawa ang isang bagay na ayaw ko (kasi nakakahiya, baka ano sabihin ng iba) ngunit sa kabilang banda, ito ay isang pagsubok, isang pagsusulit, isang bahagi ng pagpapala. Wala namang nakukuha sa madaling paraan, lahat ay dapat pinaghihirapan. Ngunit sa tulong ng Diyos, hinding hindi Nya tayo pababayaan.
  Kahit ilang beses pa natin sya na pagtaksilan, ipagkanulo, itatwa o ikahiya, kung bibigyan tayo muli ng pagkakataong tanungi muli ni Hesus kung mahal natin Sya, sabihin nating Oo at sumunod lamang sa mga utos Nya.
  Kung maibabalik ko lang sana ang tagpong iyon sa aming classroom, tatayo ako at aaminin ko na nagkasala ako at susunod ako sa anumang kaparusahan sa aking nagawa.

Mahal tayo ng Panginoon, magtiwala ka lang, Sya ay Diyos na mapagbigay sa lahat ng bagay; sumunod ka lang at mararating mo ang tunay na pagpapala Nya.

image

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s