Pakyawan: Trabahong Pilipino

PAALAALA: Huwag mo ng BASAHIN kung ikaw ay:

-Above minimum wage earner at mahilig kumain sa mamahaling restaurant, mapili sa pagkain at hindi kumakain ng sardinas.

-Minimum wage earner ka at hindi kumakain ng isda o sardinas.

-Kung ang pulitikong sinusuportahan mo ay may tagong negosyo o yaman.

-Kung AYAW mong magbasa at ayaw ng sardinas.

Isang lugar sa Mindanao, araw-araw sa isang planta ng sardinas, may mga malalaking tent na nakahelera sa labas nito. Punong- puno ng mga tao ito na pumipila upang mapasama sa mga taong mabibigyan ng “part-time” na trabaho at ito ay tinatawag nila na PAKYAWAN. Bakit kaya ‘pakyawan?’

May isang lalaki na nagmula pa sa liblib na bayan sa Zamboanga, madaling araw pa lamang ay lumuwas na sya patungo sa  planta ng sardinas, dala ang pag-asang mapasama sa sinasabi na pakyawan. Kapag napili ka naman kasi, mabibigyan ka ng part time na trabaho at iyong araw na din ‘yon ay makukuha mo na ang sweldo mo. Ngunit, taliwas ito sa mga trabaho na madalas akala natin ay ‘minimum’ ang pasahod. Hindi ito tulad ng mga trabaho na kikita ka tulad ng paglalabada, na kung saan kikita ka ng kahit P 300-350. Hindi rin tulad ito ng mga tao na kumikita ng minimum wage. Sa madaling salita, napakababa ng bigayan sa ganitong uri ng trabaho.

Ano ba ang gagawin nila sa sinasabing pakyawan? Sa isang planta sa Mindanao, sa loob nito, may mga makinarya na ang gawain ay putulin ang ulo at buntot ng isda. Araw-araw, libo-libong isda na pang-sardinas ang dumaraan sa makinaryang iyon. Ngunit, sa dami nga naman ng mga isda ay hindi ito kinakaya ng mga makinarya kaya nagpapatulong sila sa mga tao. Ang gagawin ay simple lang naman, magpuputol ng ulo at buntot ng isda buong maghapon. Parang madali lang kung tutuusin, ngunit may tinatago pala itong malungkot na kwento.

Hindi nawawalan ng pag-asa ang lalaki. Kahit na ang natira na lang sa 100 piso nya na pamasahe ay 30 pesos na lang. Baon nya ang pag-asa, matyaga syang pumila sa daan-daang mga tao na pumila din at nag-aasam din na mapili din sila. Ngunit, 100 daang tao lamang ang kailangan ng planta sa isang araw, sa madaling salita, maliit ang tyansang mapili ka o masama sa bilang. May pamilya ang lalaki, ayaw nyang umuwi na walang dalang kita, at sa halagang 30 pesos ay paano nga naman sya uuwi?. Kaya nagtyaga ang lalaki. Tatlong araw ang nakalipas tsaka lamang sya napili. Kung iisipin mo, paano nya natiis ang tatlong araw na paghihintay? Paano sya kumain? Saan sya natulog? Ibig sabihin lamang nito, ay madaming tao ang pumipila, nag-aasam na makakuha ng ‘part-time’ at makasama sa pakyawan.

Ngunit nag-uumpisa pa lamang ang  ating kuwento. Nakapasok na ang lalaki sa pakyawan. Sa malaking tent na ding iyon, may mga banye-banyerang mga isda, halos ‘di mabilang sa dami at timbang, nag-uumapaw ang banyera. Alam nila ang gagawin sa mga ito, hawak ang pantaga o pamputol, tatanggalin nila ang ulo at buntot ng mga isda. Sa kabila ng dinanas na gutom, pagod at pagka-uhaw, naroon pa din ang kagustuhan ng lalaking kumita ng pera para sa kanyang pamilya. Ang nakakapanlumo na katotohanan, sa bawat banyera na kanilang matatapos, katumbas nito ang kabayarang P30.00.

Sa isang naghihikahos sa buhay, tulad ng lalaking walang trabaho at nagtatyagang makapagbigay ng maiuuwing pagkain upang may makain sa hapag, balewala sa kanya ang sarili nyang antok, pagod, gutom at uhaw makapag-uwi man lang ng pera upang pambili ng makakain. Natapos na ang araw, patang-pata na ang lalaki. Ito ang ‘una’ nyang beses na sumabak sa pakyawan kaya kaunting banyera lang ang natapos nya. Sa huli, ang kinita nya ay P150.00, katumbas ng 5 banyerang isda. Halos manlaki na ang mga kalyo sa kanyang mga daliri at pasmadong kamay nyang inilahad ito sa taong nagbibigay ng pa-sweldo.

Pagod na pagod ang lalaki, ngunit, bale-wala nga ito sa kanya. Hindi na maipinta ang mukha nito sa pagod ngunit kailangan sya ng kanyang mga anak. Sumakay sya ng bus pauwi sa kanilang bayan, nagbigay ng P60.00 na pamasahe mula sa kanyang kinita. Ang natira ay pinamili nila ng bigas, kamatis at instant noodles, sapat na sa iilang araw, dalawa o tatlong araw ay ‘di nila mawari.

Ganoon ang kalakaran sa ‘pakyawan’, pipila ka, magtatyaga ka, nandoon din ang matitinding sakripisyo at kung anu-ano pa. Kung tutuusin, sa bayang iyon ganoon halos ang mga residente doon, nakikipagsapalaran upang mapili. Kung bihasa ka na o malakas ka, kakayanin mong makatapos ng higit pa sa sampu o benteng banyera para kumita ng mas malaki. Ngunit kung ating iisipin, napakasaklap ng pamumuhay nila ‘di ba?

Ikaw, natanong mo na ba sa sarili mo paano kaya nagagawang masarap ang kinakain mo? Kung saan ito nanggagaling? Kung ilang proseso ito bago maging isang produkto? Kung ating susuriin, ang mga sardinas na nasa lata ay  bunga ng mga taong nagpakapagod at nagpakahirap. Ngayon, kung makadaing tayo na ang mahal minsan ng sardinas? Isipin n’yong mabuti, sa halaga ngayon ng sardinas na P10-15, isipin natin palagi,  paano na ang mga taong nasa likod nito? Ikaw nga, tayo nga, bale wala sa atin ang pagkaing nagkakahalaga ng P200-300 minsan o madalas ay may tira pa. Heto pa kayang P10-15 na lata ng sardinas?

Ngayong labor day, bilang mamamayang nagtatrabaho rin, paano ka nakakatulong sa kapwa mo? Paano mo pinapahalagahan ang kinikita mo? Mapa-minimum or above mimimum wage earner ka, kung ikukumpara mo ang sarili mo sa mga taong nag-aasam ng pakyawan, gaano ka kaya pinagpala ng Diyos? Mahalin natin ang ating trabaho, at ilaan sa nararapat na bagay ang ating kinikita at huwag mag atubiling tumulong sa mga naghihikahos. Sana, sa darating din na eleksyon, ang ating pipiliing kandidato ay may malinaw na layunin sa pagpapaganda at pagsasa-ayos ng trabaho sa ating bansa.

image

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s